#Activities

DENR PENRO, Aktibong Nakibahagi sa Ika-dalawampu't-isang Pagdiriwang ng Love Affair with Nature

Noong Pebrero 14, 2025, aktibong nakibahagi sa taunang pagdiriwang ng Love Affair with Nature ang mga kawani ng DENR-PENRO Palawan na isinagawa sa Sitio Bucana, Barangay Iwahig sa lungsod ng Puerto Princesa.


Authored By:

Contributors to the creation of this article.

Marie Chris Palma

May-Akda

Ang taunang selebrasyon na ito kasabay ng pagdiriwang ng araw ng mga puso ay naglalayong isulong ang patuloy na pangangalaga at rehabilitasyon ng mga bakawan sa lungsod. Ito rin ay nagsisilbing pamamaraan ng mamamayan ng lungsod upang ipakita ang kanilang natatanging pagmamahal para sa kalikasan. 

Ngayong taon, higit sa 8,000 mga punla ng iba’t-ibang puno ng bakawan kabilang ang mga seedling ng Pototan, Dungon, Tangal, Late, Tabigi, at iba pa ang matagumpay na naitanim ng nasa 3,000 mga kalahok na nakiisa sa pagtatanim sa tatlong hektaryang planting site ng Iwahig. Bukod pa rito, tampok din sa selebrasyon ang taunang mass wedding kung saan 81 na magsing-irog ang sabay-sabay na ikinasal na pinangunahan ng Punong Lungsod Lucilo R. Bayron. Sinundan ito ng simbolikong pagtatanim ng mga bagong mag-asawa tanda ng kanilang pagmamahal para sa isa’t-isa at sa inang kalikasan. 

Ayon sa mensaheng ipinadala ni PENRO Felizardo B. Cayatoc na inilahad ni Forester Arjay T. Gregas, “Ang bawat puno na itatanim ng bawat isa sa atin na tutubo at lalago at magiging isang puno ay hindi lang yaman, kundi buhay na nagpapatibay sa ating komunidad at sa mga susunod pang henerasyon.” 

Tinatayang higit 50 hanggang 80 porsiyento ang survival rate ng mga itinatanim na punong bakawan magmula ng magsimula ang aktibidad na ito noong taong 2003. 

Ang patuloy na pakikibahagi ng DENR-PENRO Palawan at ng bawat isa sa mga ganitong inisyatiba ay patunay lamang ng kanilang dedikasyon sa pangangalaga at proteksyon ng kalikasan para sa kasalukuyan at susunod pang mga salinlahi. 

 


Posted By:

Marie Chris Palma

Back to All Articles